Si Cristo Jesus – Luklukan ng Kagandahang Asal?
Iilan lang ang ipinagtatanggol pa hanggang ngayon ang madugong kasaysayan ng Relihiyong Cristiano, subalit palibhasa ang kalakhan ng mga kasalanan ay nakaugnay sa Iglesia Romana Katolika at sa Papa, mga Katoliko ang pinakamasigasig na palitawing maliit lang ang pinsala (“ano ba naman,” ayon sa pagmamatuwid nila, “ang isa o dalawang bulok na kamatis sa isang maningning naman na kasaysayan”).
Ngunit huwag nating kalimutan na ang mga Protestante man ay kasinghusay rin ng alinman sa kanila sa pagsunog ng mga mangkukulam, sa mga erehe, sa mga ganid na “katutubo”, at sa mga Katoliko.
Ang pangkaraniwang depensa mula sa mga Cristiano ng alinmang uri ay ang sabihing hindi si Cristo ang bigo kundi ang tao mismo. Siya na tao-na’y-Dios-pa ay sakdal, dalisay, ang kanyang mensahe ay tinabas sa siyento-porsyentong matamis at naglulumiwanag na tela.
Bago mo pasukin ang walang hanggang buhay na nakasiksik sa tabi ng higanteng prinsipe ng kasakdalan, mag-ukol ka muna ng kaunting oras para alamin kung magiging anong uri ng kapitbahay kaya siya sayo kung sakali.
|
Busog sa Pag-Ibig
Yari na ang barangay. Nakipagbarkada si Jesus sa pulutong ng mga tambay at mga patutot. Ang ilan dito ay inabandouna ang mga asawa at anak upang sumakay sa kanyang pulutong nang sa gayon ay “maibig nila ang isa’t isa.”
“Iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.” – Lucas 5:11 |
|
Isang Nagsasalita’t Naglalakad na Kontradiksyon
Kung si Jesus sana ay bunga lang ng isang manunulat, ang pagkatao siguro niya ay matatag at kapanipaniwala. Ngunit bilang isang kathang-isip ng maraming kamay, ang naturingang taong-dios ay tadtad ng kontradiksyon. Pangunahin na sa mga ito ay ang kanya mismong pagkadios.
Ang engrandeng bayani na ito ay Dios nga ba? Dugo ang pinaagos ng mga tagasunod ni Cristo tungkol sa tanong na ito mula pa kay Arius noong ika-4 na siglo. Kahit musmos kayang pagsamasamahin ang iba’t ibang sitas kampi at laban sa ideyang ito (magmula sa “Ako at ang Ama ay iisa” Juan 10:30 hanggang sa “Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan” Mateo 27:46).
Ano nga ba naman ang maaasahan sa isang personahe na ginuhit lamang mula sa sari-saring kuwento galing sa panitikan ng mga Judio at sa pinagsamasamang salawikain?
Paano Naging Sakdal si Jesus?
Inaangkin ng lahat ng uri ng Cristiano na ang kanilang bayani ay sakdal-perpekto, anoman ang ibig nabihin nito. Sakdal-perpekto ba ang pawis niya o ni hindi man sya nagpapawis? Yun ba ang big sabihin? Maaaring bunutin ang lahat niyang mga pangungusap tungkol sa “pagibig” na mahahanap sa mga ebanghelyo, ngunit pagiging asal-selektibo lang iyon. Ang mga aral niya na mahalin ang kapwa ang dahilan ba bakit sinasabing perpekto siya? Wala rin naman itong kaibahan kung ihahambing sa mga mas matatandang pagtuturo – ng iba pang mga tao rin – na naunang nangaral kaysa kanya.
Ang pagiging “sakdal-perpekto” ay dapat humangga sa bawat isa sa mga aral at kilos niya, subalit kung titignang mabuti ang mga aktuwasyon at salita ng ating idolo ay wala tayong mahagilap saanman na anomang bakas na siya nga ang luklukan ng kagandahang-asal.
Mas Marunong Pa Ang Mga Pagano
“Ang kawalang-katarungan ay kasalanan. Itinakda ng kalikasan na ang mga nilalang na may isip ay maging pakinabang sa isa’t isa, na tulungan ng bawat isa ang kanyang kapwa ayon sa kanilang kahalagahan, at sa anomang paraan ay huwag silang sasaktan.”
“Kung ibinabato sayo ng mga nasa paligid mo ang paghamak at masamang balak o nagpapalitaw ng sarisaring uri ng paratang … tungkulin mo na pag-isipan sila ng mabuti; sapagkat ginawa sila ng kalikasan na maging mga kaibigan mo.”
- Si Jesus ba ang nagsasalita dito? Hindi. Galing ito sa ‘Meditations’, na sinulat ng haring si Marcus Aurelius (161-180), isang pagano na nilaan ang buhay sa pagtatanggol sa sibilisasyong Romano.
Kinamuhian niya ang mga panatiko kay Cristo na kinatutuwa pa ang mga kamalasan ng Imperyo Romano. |
|
Saluranin at Sigalot
Maliwanag na ang Cristo Jesus ng mga ebanghelyo ay isang huwad na gawa-gawa lamang. Bukod dito, ipinangaral rin ng Pangulo ng Kapayapaan ang sigalot at kaguluhan:
"Huwag ninyong isipin na ako’y naparito upang maghatid ng kapayapaan sa daigdig. Hindi ako naparito upang maghatid ng kapayapaan, kundi ng isang tabak.” – Mateo 10:34
Pagkatapos niyang sabihan ang kanyang mga tagahanga na ibigin ang kanilang mga kaaway, sasabihin naman niya na gawing kaaway ang mga kamag-anak nila.
“Sapagkat naparito ako upang papag-awayin ang tao sa kanyang ama, ang anak na babae sa kanyang ina, ay ang manugang na babae sa kanyang biyenang babae. Ang mga magiging kaaway ng tao ay ang kanyang sariling kamag-anak.” – Mateo 10:35,36
"Kung sinoman ay lumapit sa akin na hindi napopoot sa kanyang ama, at ina, at asawa, at mga anak, at mga kapatid na lalaki’t babae, oo, pati kanyang sariling buhay, hindi siya magiging alagad ko.” – Lucas 14:26
Saan hahangga si Jesus sa pagtuturo ang ganitong malagim (at katawa-tawang) utos? Sasabihin ni Mateo ang sagot:
“At ibibigay ng kapatid na lalaki sa kamatayan ang kanyang kapatid na lalaki, at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, upang mabigay sila sa kamatayan.” – Mateo 10:21.
Pagkatapos na mailayo ang kanyang mga tagasunod sa kanila-kanilang mga kamag-anak dahil sa mapamuksang kalokohan na ito, papayuhan naman niya ang kanyang mga tagahanga kung paano nila dapat tratuhin ang kanilang mga katawan. Kapag inihahatid sila nito sa kasalanan – dapat putulin! Dapat na pinsalain nila ang sarili sa pamamagitan ng pagputol ng mga kamay at pagdukit sa mga mata. Ang sabi niya, mas mabuti pa ang putol-putol ka kaysa maghirap sa “walang hanggang apoy” ng impyerno.
“At kung saktan ka ng kamay mo, putulin mo: mas mabuting pumasok sa walang hanggang buhay na may pinsala kaysa pumasok na may dalawang kamay sa apoy na di napapatay … At kung saktan ka ng paa mo, putulin mo: mas mabuting pumasok sa buhay na lumpo ka kaysa ibulid sa impiyerno na may dalawang paa .. At kung saksan ka ng mata mo, dukitin mo: mas mabuting pumasok sa kaharian ng Dios na may isang mata kaysa itapon ka sa apoy ng impyerno na may dalawang mata.” – Marcos 9:43,47.
Ayon sa malagim na henyong ito, kasalanan ang tingnan mo lang ang isang babae na may “pagnanasa”. Si Origen noong ika-3 na siglo ay isang bata pa at uto-utong panatiko ni Cristo na medyo naniwala ng literal sa mga salitang ito at kinapon ang sarili. Hindi siya ang naging una o magiging huli sa mga tagasunod ni Jesus na ipagbubunyi ang pag-abuso at paglugmok sa sarili. Sa mga siglo ng ignoransya na sumunod pa, libo-libo sa kapatiran ang pipinsalain ang sariling laman alinsunod sa mga kalunos-lunos na dikta ng taong-dios.
Sa mga panahon ng matinding salot at kahirapan sa lipunan, ang mga nagdadalamhating mananampalataya, dahil sinisisi ang sarili sa laganap na kamalasan at mga hinagpis na personal, ang kusang nagpapalatigo sa gitna ng madla, bukod sa isinasapubliko ang pagtangis kitang-kita ng lahat habang hubo’t-hubat na halos. Sa katunayan, nananatiling isang pangunahin doktrina ng kabaliwang Cristiano ang pasakitan ang katawan alangalang sa ikabubuti ng kaluluwa.
Si Cristo Jesus ang pangulo ng isang peligroso kulto, na delikado sa pamilya at nakapagpapabaluktot ng isip! Gusto mo pa rin bang maging katabing-bahay ng sikat na sikat na idolong ito?
Mas Marunong Ang Mga Pagano
Kalaban ng mga Cristiano si Porphyry (232-305). “Tinunggali” nila siya sa loob ng maraming henerasyon at pagkatapos, pinasyahan na lang sunugin ang mga aklat niya.
"Isa sa mga sikat na salawikain ng Guro ay ito: ‘Malibang kainin ninyo ang aking laman at inumin ang dugo ko, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.’
Ang salawikain ito ay hindi lamang isang kahayupan at kalokohan: ito’y mas loko pa sa kalokolokohan at mas hayop pa sa kahayup-hayupan: na kainin ng isang tao ang laman ng kapwa tao o inumin ang dugo nito … at sa gayong paraan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan!
Sabihin mo nga: sa pagrekomenda ng ganito gawain, hindi mo ba binababa sa di-lubos maisip na pagkaganid ang kalagayan ng sangkatauhan?”
– Porphyry, Laban Sa Mga Cristiano (Hoffmann, p49). |
|
JC – Peligro sa hayop at pananim
Tama bang ganoon ang nangyari sa mga baboy sa Gadarena? Eh ang pagwasak sa “mga nangangalaga sa mga ito”? Maaari namang palutangin na lang ni Mister Makapangyarihan na parang abo ang mga demonyong iyon ngunit hindi. Mas ginusto niya sa isang matindi-tinding paraan na maging malupit na lang sa mga hayop.
– Pakibantayan ang inyong mga aso’t pusa, baka hagisan sila ng demonyo ni JC.
(Syempre, sa mga totoong nagsulat ng kathang-isip na ito, hindi pa kasi maalab na pinag-uusapan noon ang “pagmamalupit sa mga hayop” kaya ayos lang sa kanila.)
At yung pagsumpa sa punong-kahoy dahil lamang sa hindi ito nagbubunga nang wala sa panahon ha? Bakit kaya hindi na lang niya pinabunga ng bigla ang puno?
“Walang sinoman ang kakain sa bunga mo mula ngayon” … “masdan ang punongkahoy ng igos na iyong sinumpa ay nalanta.” – Marcos 11:21
– Mabuti rin pakibantayan ang inyong mga pananim, baka patuyuin ni JC.
JC – Pinarangalan ang Kasinungalingan
Sa Lucas 16 – ang diumano’y “Talinhaga ng Aliping Sinungaling” – sinangayunan ni Jesus ang ginawang pagpaparangal ng lalaking mayaman sa pagsisinungaling na ginawa ng alipin nito. Ang alipin ay nahaharap sa napipintong pagkasibak sa trabaho dahil sa pagwawaldas niya sa ariarian ng kanyang panginoon, kaya nagpakana ang alipin ng isang hakbang upang masiguro ang kanyang kinabukasan.
“Pinasyahan kong gawin na, kapag inalis ako sa pamamahala, ay tanggapin nila ako sa kanilang tahanan.” – Lucas 16:4.
Kinasabuwat ng alipin ang mga may-utang sa panginoon niya sa pamamagitan ng paniningil ka kanila ng mas mababa sa tunay na halaga ng utang. Ngunit sa halip na masibak ay:
“pinarangalan ng panginoon ang likong tagapamahala, dahil sa ginawa nito ang magaling: sapagkat ang mga anak ng daigidig na ito sa kanilang salinlahi ay lalong matalino kaysa sa mga anak ng liwanag” – Lucas 16:8.
Dagdag pa ni Mister Perfecto Jesus na:
“Sinasabi ko sa inyo, Kaibiganin ninyo ang mamon ng kalikuan: Upang, kung kayo’y mabigo, ay tanggapin nila kayo sa walang hanggang tahanan.” – Lucas 16:9.
Mantakin mo! – hindi pang Sunday School ang kuwentong ito! Bukod diyan, hindi lamang pinarangalan ni JC ang kasinungalingan, siya mismo ay nakuhang magsinungaling rin. Ayon sa Juan 7, habang lumilibot sina JC at ang kanyang barkada sa Galilea ay hinimok ng mga alipores si amo na magpakita ng kababalaghan sa gitna ng mga Judio sa papalapit na Pista ng mga Tabernakulo. Tumanggi si Jesus:
“Hindi ako paparoon sa pista: sapagkat hindi pa lubos na dumating ang aking oras.” – John 7.8.
Hindi pa man nakakaalis ang mga alagad ay ginawa na ng bida ang mismong kabaliktaran ng sinabi niyang hindi niya gagawin:
“Ngunit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid, siya rin ay umahon sa pista, hindi lantaran kundi sa lihim.” – Juan 7.10.
Hindi ganon kabuti si JC
Pagkatapos ng pagsira sa pamilya, magpuputol-putol ng katawan, ang kinahinatnan ng mga baboy at puno ng igos, maaaring itanong sa isip kung mayroon nga bang damdaming pagkamaawain si Mister Mapagmahal. Siguro naman ay mahal niya ang lahat? Matigas na inuutos ni Jesus na:
“Sumunod sa akin; at bayaan na ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.” – Mateo 8.22..
Sinabi niya ito sa isang alagad na kamamatayan lamang ng ama at humihingi lang ng panahon na mailibing niya ito! Kahit ang amo na may pinakamatigas na puso ay papayag na bigyan ka ng oras na mailibing ang iyong ama! Pero hindi si JC.
Sa isang kugnay na tagpo, pinabayaan ng walang pakiramdam na si Jesus na malatag nang apat na araw si Lazaro sa libingan bago ito ibangong muli – nang sa gayon nga naman ay maging mas kahanga-hanaga ang gagawin niyang himala.
Sa isa pang pangyayari ay tinanong siya ng walang kalabanlaban na si Judas Escariote kung bakit pinayagan niya mapahid sa kanyang mga paa ang mamahaling pabango (ang isang libra ng espinardo ay 300 denaryo o katumbas ng isang taong suweldo, para lang ipunas ng buhok ng babae!). Siguro naman, sabi ni Judas, ay maaaring ibigay ang halaga sa mga pulubi? Sa isang sagot na labis na ikinatutuwa ngayon ng mga pinuno ng Simbahan, sinabi ni Jesus:
“Lagi ninyong makakasama ang mga mahihirap, ngunit hindi niyo ako laging makakasama.” – Juan 12.8.
Aba, kaya natin lahat sabihin yan! Pero para sa kanya na diumano’y may kakayahan naman, bakit hindi na lang kaya niya nilutas ang suliraning kahirapan?
Talaga nga, si Judas tulad ng ibang mga alagad ay Judio, at sinikap na mabuti ng sinaunang simbahan na dumistansya sa mapanganib na lahing ito. Ngayon itong si JC, laban din ba siya sa mga Judio? Matitiyak lamang na sa muli’t muli ay makikitang binubukod ni Jesus ang kanyang sarili sa mga Judyo, na wari baga’y hindi niya ito sariing bayan:
“Ngunit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadiliman sa labas: kung saan may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin” – Mateo 8.12.
Hulaan kung sino ang “mga anak ng kaharian” na tinutukoy kung hindi ang mga Judio? Sa harap ng ganitong mga pangungusap, nabigyan ba ng sapat na magkakataon ang mga Judyo na ipagtanggol ang sarili sa hukuman ng pampublikong opinyon?
Marapat din pansinin na hindi kailanman kinundena ng “dakilang guro ng moralidad” ang pangangalaga ng mga alipin. Isa itong malaking pagkukulang para sa diumano’y tagapagligtas ng sangkatauhan. Sa totoo, ang pagtutulak ng paniniwala na ang paninikil at pang-aalipin sa kapwa ay naaayon lahat sa kalooban ng Dios (at isama na rin dito ang pagsasabi na ang kaligayahan ay makakamtan lamang sa langit), ay imoral at hindi dapat pinapayagan.
Mas Marunong Ang Mga Pagano
TUNGKOL SA TUNAY NA KALIGAYAHAN
“Hindi tuwid ipagkait sa mga hayop ang mabuting buhay komo hindi sila nagmimistulang mahalaga sa tao … Ang mismong mga halaman: may mga buhay sila, at maaaring magdala ang buhay ng mabuti o masama; lalago o malalanta ang mga halaman, mamumga o hindi mamumunga …
Sila na ipinagkakait ang masayang buhay sa mga halaman sa dahilang wala silang damdamin ay ipinagkakait ito sa lahat ng may buhay … Ano kung gayon ang kaligayahan? Subukan nating isalalay ito sa Buhay … Ang kaligayahan ay makakamtam lamang ng isang bagay na nabubuhay na sagana … Buhay na pinakamalaganap, buhay kung saan naroroon ang mabuti sa kanyang kaibuturan at hindi galing sa labas, buhay na hindi kailangan ng panlabas na sangkap na galing pa sa kung saang dayuhang daigdig, upang italaga ito sa mabuti.
Kung napapamahalaan na ng tao ang buhay na hindi lamang salig sa damdamin kundi sa kaisipan at tunay na katalinunan, natamo na niya ang sakdal na buhay.
Kahit isa ay walang tao na hindi niya dala sa kanyang sarili, nagtatago pa man o kinakasangkapan na, ang bagay na ito na kinikilala natin na kailangan sa kaligayahan.
At kung dahil sa pag-agaw ng kamatayan sa kaisipan at damdamin ng tao, ito ay magdulot ng lumbay, ito’y hindi sa kanya, hindi sa tunay na tao, kundi sa bagay na nasa kanya – yaong bagay na nakatayong hiwalay sa Kataastaasan – sa mababang antas ng kanyang pagka-tao na hindi nya pinakikipagsaluhan ng lumbay."
- Plotinus (204-270), The Six Enneads.
Isa sa mga kahulihulihanng dakilang paganong piloposo si Plotinus.
|
|
Mababang-Loob o Mayabang?
Sinasabi na ang kanyang walang-katapusang kababaang-loob ang nagpapakita ng pagka-perpekto ni JC – at alam naman nating lahat gaano kahalaga ang maging mababang-loob, kasing halaga ng paglunas sa kanser at pagsagip sa mga nagugutom.
Maniwala ka ba na iniwan ng maharlikang idolo ang maginhawang kalangitan sa itaas upang magdusa ng sandali sa daigdig. Aba, isang karpintero sa mga burol ng Galilea, isipin mo! Hindi malayo yan sa isang mayamang batang heredero na tumigil sandali sa pag-aaral. Di ka ba bilib dyan sa sakripisyong iyan!
Pero ang Cristo Jesus na ito at HINDI nilalang na masasabing may walang-katapusang kababaang-loob. Kahit angkinin pa niya na isa siyang radikal na mangangaral ng relihiyon, binraso niya ang mga makapangyarihan ng Judaismo para maipuwesto ang sarili:
“Pinaroonan ni Jesus ang lahat ng mga bayan at kanayunan, na nangangaral sa kanilang mga sinagoga.” – Mateo 9.35 .
Pag naroroon siya sa Templo, ang sentro at kaibuturan ng pagsambang Judaico, kapal-mukha niyang binabaliktad ang mga mesa at winasak ang mga puwesto ng mga tindero ng kalapati:
“At naparoon sila sa Jerusalem; at naparoon si Jesus sa templo, at sinimulang itaboy ang mga tindero at mamimili sa templo, at binaligtad ang mga mesa ng mga mamamalit-pera, at ang upuan ng mga tindero ng kalapati. At hindi niya pinayagan na ang sinoman ay magdala ng anomang sisidlan sa templo.”
– Marcos 11. 15,16.
Ang totoo, may di-kawasang kayabangan si Cristo Jesus. Tinatawag niyang “Panginoon at Amo” (Juan 13.13) ang kanyang sarili, at silang mga tagasunod niya ay tinatawag niyang “Mga paslit” (John 13.33). Kung hindi naman, siya ang “Pastol” at ikaw ang “tupa” – at binabalatan ng buhay siyempre ang mga tupa!
Ang kahambugan ni JC ay maagang nagsimula sa buhay niya. Isipin mo ang pahirap na dulot ng isang dose anyos na bata sa kanyang mga magulang dahil sa pagkawala niya ng tatlong araw. Ayon sa alamat ay nawala si Jesus at hinanap siya ng kanyang mga “nagdadalamhating” magulang sa loob ng tatlong araw bago siya natagpuan sa Templo. Pero hindi makikitang nanghingi ng dispensa si Jesus – kundi sinisi pa niya ang mga magulang niya kung bakit ang pupurol nila para hindi agad maisip na abala siya sa mga trabaho ng kanyang “tunay na ama”!
“At nang makita siya, namangha sila, at sinabi ng kanyang ina, Anak, bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Tingnan mo ako at ang ama mo ay hinanap kang nalulumbay. At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi nyo ba naisip na abala ako sa trabaho ng aking Ama? At hindi nila naunawaan ang salitang sinabi niya sa kanila.” – Lucas 2.48,50.
Bakit pilit nilalapat ng Simbahan ang “kababaang-loob” sa hambog na bayani na ito? Sa parehong dahilan na ginagawa rin siyang banal, matuwid, malumanay, at maamo, kung kinakailangan. Sa madalit sabi, siya ang sukatan sa lahat ng bagay, kung minsan ay umuungol na parang leon kung minsan ay umiimpit na parang tupa, kung minsan isang haring mananakop at kung minsan isang mapagkusang alay.
Ano mang pagdurusa na kailangan mong tiisin ay hindi maihahambing sa pagdurusang kanyang dinanas. At kung wala ka mang malaking impok sa bangko, at tiyak na hindi ka naman pupunta sa langit, hahangarin at hahangarin pa rin ng mga pari na sumunod ka sa kanyang halimbawa. Entonses, kung mapapaniwala ka na mababa ang loob ni Jesus ay kailangang magpakababa at magmasunurin ka rin naman.
Magsimba ka; sumunod ka sa mga utos; gawin mo ang mga bilin sayo; magpakumbaba ka – at huwag na huwag mong isipin ang magreklamo. Pag patay ka doon mo makukuha ang gantimpala mo!
Mas Marunong Ang Mga Pagano
Isang mapag-isip na Epucureo si Celsus (110-190?). Mga magagaspang na puna ang sinulat niya laban sa mga salamangkero at mga manlolokong Cristiano.
“Kung paanong sinasamantala ng mga mamemeke ng mga kulto ang mababang pinag-aralan ng mga walang malay, na hilahila sila wari sa kanilang mga nguso, gayun din naman ang ginagawa ng mga mangangaral Cristiano: ayaw nilang magbigay at tumanggap ng katuwiran tungkol sa kanilang paniniwala. Ang hilig nilang sabihin ay “Huwag magtanong, basta maniwala na lang!” at “Ililigtas ka ng pananampalataya mo!” “Ang karunungan ng mundo,” wika nila, “as masama: mabuti ang maging payak lamang.”
Sinasabi sa atin na hinukuman ni Jesus ang mga mayayaman sa pagsasabing ‘lalong madali ang lumusot ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pumasok ang mayaman sa kaharian ng dios.’ Ngunit alam natin na nauna nang sinabi ito ni Plato sa isang lalong dalisay na paraan:
‘Di mangyayari na ang isang taong may di-pangkaraniwang kabutihan ang magkaroon ng di-pangkaraniwan yaman.’
Sa dalawang pangungusap na ito ay mayroon bang masasabing mas kinasihan kasya isa?
- Celsus, Tungkol sa Tunay na Aral
|
|
Nakakainis
Ang kayabangan ay nagdudulot ng labis na tiwala sa sarili, at hindi kinapos sa pagkabilib sa sarili si JC. Alam ni Jesus ang lahat ng bagay, samakatuwid hindi maaaring sabihin sa kanya ang anomang bagay na hindi pa niya batid. Hindi siya madadaya ng sinomang tao palibhasa talastas niya ang katagutaguang iniisip nila bago pa man sila magsalita.
Ngunit nagsilbi ba ang kanyang kakayahan na hulaan ang hinaharap upang magi siyang mapayapa at mapagtangkilik sa lahat tulad halimbawa ni Buddha? Malayo dito! Puno si JC ng mapaghiganting poot – isang ugali na bakit nga ba pangkaraniwan sa maraming tagapangaral.
Sinomang di makinig sa kanya ay tiyak na magiging tampulan ng pinakamalulupit na sumpa at tutuloy ng dirediretso sa walang hanggang parusa.
“Sinomang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin maging sa daigdig na ito o sa daigdig na darating.” – Marcos 3.29.
“Isusugo ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin ng mga ito mula sa kanyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nakakatisod, at silang gumagawa ng kasamaan, at ibubulid sila sa hurnong nag-aapoy; doon ay magkakaroon ng pagtangis at panggigitngitan ng mga ngipin.” – Mateo 13.41,42.
Muli’t muli, paninindak ang inaalok ni JC. Parang pompyang! Sumipsip ka sakin o masunog ka – ano pipiliin mo?
“Kung hindi manatili sa akin ang sinoman, itatapon siyang parang sanga at matutuyo; pinagsasama sama sila ng mga tao at hinahaghis sa apoy at sila’y sinusunog.” – Juan 15.6.
“Kung manatili kayo sa akin, ay manatili sa inyo ang mga salita ko, hihingin ninyo ang nais ninyo, at ito’y gagawin sa inyo.” – Juan 15.7.
Diumano ay “puspos ng biyaya” itong si JC. Ang ibig sabihin ng pariralang ito, ay hindi niya sinisino ang sinoman. Mabuting asal ba ito? Isiping mabuti. Ang karamihan sa atin ay gagamit muna ng masusing pag-aaral bago magpasiya. Makikipag tanghalian ka ba kasama ang isang pusakal na mamamatay-tao o isang manggagahasa ng mga musmos? O kasama si Saddam Hussein? O si George W. Bush?
“Masiba na tao si Jesus, isang lasengo, at kaibigan ng mga kolektor ng buwis at makasalanan? Sa madali’t sabi, hindi siya namimili o nagtatangi. Wala siyang dangal. Wala siyang kahihiyan.” – Crossan (The Historical Jesus, p. 262)
Ganito ang sasabihin mo kung pari ka: Huwag kakantiin ang mga matataas, ang mga makapangyarihan, at higit sa lahat ang mga pari. Kung mahuli gumagawa ng masama, ibig sabihin lang ay panahon na para pakitaan sila ng “biyaya” (pagpapatawad, pasensya, awa, magbulag-bulagan, huwag ka na lang maingay).
Puspos din diumano si Jesus ng “katotohanan”. Sa katunayan, siya ika niya ang katotohanan. Ang problema, ang katotohanan ni Jesus ay umiiba-iba sa pagiba-iba rin ng panahon.
Ganito ang sasabihin mo kung pari ka: May deklarasyo si JC tugma sa anomang okasyon at bawat sabihin niya ay may santong otoridad. Si Cristo Jesus ang totoong Bida ng Bayan Anomang Oras Maasahan. Kailangan lang ipakita natin na may sinabi ang kanilang panginoong Jesus tungkol sa ganito’t ganyang bagay at tiyak mapapasunod natin ang mga tao ano man gustuhin natin.
Nagpapakunwaring matalino si JC
Kadalasan kahit sariling mga alagad ni JC ay hindi maarok ang pinagsasabi niya. Noong Middle Ages, gumugol ng buong buhay nila sa pag-iisip ang mga taga-simbahan ngunit hindi sila magkasundo-sundo. Bakit ba sa pamamagitan ng talinhaga kung magsalita si JC?
“upang sa pagtingin nila ay hindi makakita, at sa pagdinig nila ay hindi makarinig.” – Lucas 8.10.
Kung hindi ka diyan nalilito, subukan mo ito:
"Upang humukom ay naparito ako sa daigdig, upang sila na hindi nakakakita ay makakita, at sila na nakakakita ay gawing bulag.” – Juan 9.39.
“Siyang umiibig sa buhay niya ay maiwawala ito, at siya na napopoot sa buhay niya ay mapananatili ito tungo sa buhay na walang hanggan.” – Juan 12.25.
Kapwa walang kuwenta at di maintindihan ang mga talinhaga ni JC.
Di marunong tumawa si JC
Maaaring pumayag si JC na hugasan ang iyong mga paa lalo na sa hapunan (medyo bastos diba?), ngunit huwag siyang aasahan na patawanin ka. Si Mister Seryoso ang mama na ito. Nagsimula ang problemang ito noong maisip ng mga manloloko na hindi karapatdapat sa kadakilaan ng Dios ang pagiging mapagpatawa. Sa kanila ang pagiging mapagpatawa ay hindi kagalang-galang, kaprisyoso, at di akma sa pagiging banal. Sa kabilang dako, ang pagiging marubdob at matimtiman ay nagpapakita ng pagkaseryoso at, syempre pa, ng Pagkatotoo.
Hindi kailanman humalakhak si “Jesus”, at sa kasawiang palad, gaya-gaya ang totoong buhay sa kathang-isip. Ang pagpigil sa isang likas na kagawian ng tao gaya ng paghalakhak ay nagdulot ng masama sa katinuang isip ng Cristianismo. Ang pagtawa, tulad din ng masasayang musika at maiinit na sayaw, ay sinumpa bilang kasangkapan ng Diablo, pagdiriwang na para lamang sa mga mangmang. Ang mga baliw ng sangkakristiyanuhan ay inilalagak nga sa isang malungkot at madilim na libingan.
Mas Marunong Ang Mga Pagano
Tinukoy ng debatistang si Lucian (c. 125-180) ang Cristianismo bilang isang uri ng panloloko na pinalaganap sa mga mangmang. Sa ganitong paraan niya inilarawan ang isang manggogoyong Cristiano/Cyniko na minsa’y sinilaban ang sarili (pumalpak ang palabas):
“Pagkatapos sakalin ang ama hanggang mamatay palibhasa’y di niya matiis na lumampas na ito sa anim na pung taong gulang, nalaman ni Peregrino … ang kamanghamanghang alamat ng mga Cristiano sa pakikihalubilo niya sa mga pari at eskriba nila sa Palestina.
Sa panlilinlang ay pinamukha niya silang mga musmos, sapagkat siya lang sa kanyang sarili ay naging propeta siya, pinuno, pangulo ng sinagoga, at lahat lahat na. Pinakahulugan at ipinaliwanag niya ang kanilang mga aklat at umakda rin ng marami, at tinanghal siya na wari baga ay isang dios…
Nang napiit siya, sa paniniwalang isang disgrasya ito sa kanila, ay walang paraang hindi ginawa ang mga Cristiano upang iligtas siya … mula sa pagsikat ng araw makikitang naghihintay sa labas ng kulungan niya ang mga matatandang balo at mga batang ulila, samantalang ang kanilang mga opisyal ay kasamang natutulog sa loob ng kulungan niya matapos suhulan ang mga kawal …
Hindi kakaunting pakinabang ang kinita rito ni … Peregrino.
Sa katunayan, nagdatingan ang mga tao mula sa mga lungsod ng Asya, sa utos ng mga Cristiano na mismong pumasan sa gastos, upang tulungan at ipagtanggol at patatagin ang bayani …
Pinapaniwala ng mga kalunuslunos na mga mulala ang mga sarili nila, una sa lahat, na magiging imortal sila at mabubuhay sa lahat ng panahon, tuloy ay kinasusuklaman nila ang kamatayan at kusang-loob pa silang nagpapakulong ...
Kinasusuklaman nila ng walang ano-ano ang lahat ng mga bagay at tinuturing ang mga ariarian na pag-aari ng lahat; ito’y aral na minana nila sa kanilang tradisyon na wala man lang anomang katunayan.
Kaya nga sinomang manloloko o manggagantso ang humalo sa kanila, kung sasamantalahin niya ang pagkakataon, ay mabilis makakapagkamal ng yaman sa pamamagitan lamang ng paggamit sa mga mangmang na ito."
- Lucian ng Samosata, Ang Kamatayan ni Peregrino
|
|
Hindi ganun karunong si JC
“Sumagot si Jesus, Hindi baga mayroong labing-dalawang oras ang isang araw?” – Juan 11.9.
Si Jesus – o mas mabuting sabihin, ang mga taong niloloko ang mga sarili nila’t umimbento sa istorya niya – ay naniniwala na ang tagapagligtas nila ay babalik “sa mga alapaap” bago mangamatay ang mga taong nabubuhay noong panahon na iyon. Naghihintay pa rin tayo pagkatapos ng dalawang libong taon.
“Hindi nyo pa natatapos galugarin ang mga lungsod of Israel bago dumating ang Anak ng Tao.” – Mateo 10.23.
“Mayroon sa inyong nakatayo rito ang hindi man matitikman ang kamatayan bago dumating ang Anak ng Tao sa Kanyang kaharian.” – Mateo 16.28.
Hindi iniibig ni JC ang kanyang sariling mga kaaway
Sa isang itinuturing na pinakatanyag na salawikain kailanman, lumabas sa bibig ni Jesus ang isang payong mabuti sana ang pakay kung hindi delikado.
“Ibigin ninyo ang mga kaaway ninyo; basbasan ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan nyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, at ipanalangin sila na nanggagamit sa inyo na may pagkamuhi at lumiligalig sa inyo.” – Mateo 5.44.
“Huwag labanan ang kasamaan: ngunit sinoman na manampal sa kanang pisngi mo, iharap rin sa kanya ang kaliwa.” – Mateo 5.39.
Sino ang binobola natin? Subukan mong sabihin iyan kay George Born Again Bush. Ang pagkapoot sa kaaway, ang pagpaparusa sa mga masasama, ang pagdulot ng hustisya sa mga liko, ay kasing natural lamang na kailangan natin tulad ng liwanag ng araw. Kahit nga si Jesus mismo ay hindi dinirinig ang sariling payo, pagka binabantaan niya ng impiyerno ang mga ayaw maniwala sa kanya.
“Sinomang maniwala at bautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi maniwala ay susumpain” – Mark 16.16.
Ano pa man ang sabihin, sa totoo lang ay mas hilig ng mga Cristiano lagi ang patakaran na ito: “Nakikita mo ba yang lupa na iyan ng mama? Tara kamkamin natin!”
At huwag magpapadaya sa sabi-sabing “ibigin mo ang iyong kapwa” na iyan. Kahit nga ang kathang-isip na si Jesus ay hindi naging luklukan ang kagandagang-asal!
Copyright © 2009
by Kenneth Humphreys.
Copying is freely permitted, provided credit is given to the author and no
material herein is sold for profit.
|